Skip to Content

PANOORIN: Tagisan ng mga nag-ala Elvis Presley

Closed
by August 20, 2017 General

Nagpaligsahan ang mahigit 20 impersonator ng yumaong si Elvis Presley sa kauna-unahang Elvis in Asia contest sa Maynila bilang pag-alala sa musika at estilo ng ‘King of Rock n’ Roll.’

Binigyang-pugay ng mga kalahok mula sa Pilipinas, Thailand, Japan, Singapore, Malaysia at Australia si Elvis sa pamamagitan ng pagsuot ng kaniyang sikat na porma at buhok, kasabay sa pag-indak at pag-awit ng mga musika nito.

Nangibabaw sa mga kalahok ang Pilipinong si Jun Espinosa sa kaniyang rendisyon ng klasikong “Burning Love.”

Naging batayan sa patimpalak ang kanilang hitsura at kakayahang gayahin ang karisma at musika ni Elvis.

“His music is timeless,” saad ni Espinosa.

“Every generation can enjoy his music because it’s so natural and it’s so awesome and great. That’s king Elvis,” dagdag niya.

Kasama sa premyo ni Espinosa ang libreng biyahe papuntang Graceland, ang lugar ni Elvis sa Memphis, Tennessee, kung saan din nagtipon-tipon ang libo-libong fans ng King of Rock n’Roll para gunitain ang anibersaryo ng pagkamatay ng idolo.

Ayon sa kalahok mula Japan na si Yukihiro Nishijima na kumanta ng “You Gave Me a Mountain,” mas mahirap gayahin si Elvis kumpara sa ibang artist dahil mayroon itong ‘rainbow voice’. Ibig sabihin, may pitong magkakaibang boses ito.

Pahayag ng mga organizer ng patimpalak, para ito sa kanilang paggunita ng ika-40 anibersaryong pagkamatay ng kanilang idolo.

Layunin nilang mapanatiling buhay ang tatak ng isang King of Rock n’ Roll para sa mga bagong henerasyong umiidolo kay Elvis.

Pumanaw si Elvis sa edad na 42 noong Agosto 16, 1977 dahil sa heart failure matapos lumaban sa ilang mga problema sa kalusugan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Previous
Next