Skip to Content

PETA, dating PEZA head, kinilala ng Magsaysay awards

Closed
by July 27, 2017 General

Kinilala ng prestihiyosong Ramon Magsaysay awards ang Philippine Educational Theater Association (PETA) at si dating Philippine Economic Zone Authority (PEZA) Director General Lilia de Lima.

Kasabay ng kanilang ikalimang dekada, kinilala ang PETA bilang Ramon Magsaysay awardee. Higit 500 theater plays na ang ibinunga ng kanilang 50 taong produksiyon.

Itinatag ni Cecille Guidote Alvarez ang pioneering theater group na nagtampok sa mga mapanuring obra, musical, at play.

Kabilang sa mga itinampok ng PETA ang adaptation ng pelikulang ‘Minsa’y Isang Gamu-gamo’ na ginampanan mismo ni Nora Aunor na siya ring unang stage appearance niya. Ngayon, patuloy itong nagtatampok ng mga talentong Pinoy gaya ng comedy musical na ‘Rak of Aegis’.

Awardee rin ngayong taon si Lilia de Lima na nanilbihan bilang PEZA head ng higit 20 taon.

Hinikayat niya ang mga foreign investors na mamunuhan sa bansa, kabilang ang mga manufacturing firms at business process outsourcing companies. 

Dahil sa paglago ng PEZA, nabigyan ng trabaho ang mahigit anim na milyong Pilipino simula 1995.

Pamangkin ni Lilia si Leila de Lima, ang senador na nakulong dahil sa pagkakadawit sa droga sa National Bilibid Prison. 

Kahilera ng Pinoy awardees sina Yoshiaki Ishizawa mula Japan, Abdon Nababan mula Indonesia, Gethsie Shanmugam mula Sri Lanka, at Tony Tay mula Singapore.
    
Ipinangalan ang Ramon Magsaysay awards sa dating pangulo ng Pilipinas na itinuturing na simbolo ng pagkamakatao; namatay siya sa plane crash noong 1957. 

Binibigyang parangal ng Ramon Magsaysay awards ang mga indibidwal o grupo na tumutulong sa mga mahihirap, bata, indigenous communities at ipa bang marginalized na sektor ng lipunan.

Saludo naman sa mga nanalo ngayong taon ang anak ni Pangulong Magsaysay na si dating Senador Jun Magsaysay. 
    
Tinaguriang Nobel Peace Prize of Asia ang Ramon Magsaysay award. Ilan sa mga naging awardees sina Mother Teresa, Dalai Lama, at dating Pangulo Corazon Aquino.

— Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Previous
Next