Skip to Content

4 Taong Kalbaryo: Kwento ng mga Pinoy na binihag sa Somalia

Closed
by November 15, 2016 General

Pumalaot ang mga tripulanteng Pilipino, Chinese, Vietnamese, Cambodian, at Indonesian noong ika-26 ng Marso 2012 nang walang kamalay-malay na malalagay pala sila sa bingit ng kamatayan.

Nilusob ng mga piratang Somalia ang barkong MV Naham 3, sakay ang 29 na seaman, kasama ang limang Pilipino. Unang napatay ng mga lumusob ang kapitan ng barko.

Habang hawak ng mga pirata, ang Pilipinong si Arnel Baldero ang nagsilbing interpreter ng kapwa niya hostage na Pinoy seaman.

“Humingi ka ng tulong sa kanila na kausapin yung gobyerno na padagdag ng pera para makalaya na kayo,” pag-alala niyang sinabi ng isang pirata.

Nanatili sila sa barkong iyon ng isang taon at kalahating buwan hanggang sa sumadsad na ang barko. Pagkatapos naman ay dinala sila sa kagubatan sa Bud Bud, Somalia.

Sa aktwal na video na pinost ng mga pirata sa YouTube, nakumpirma na buhay pa ang mga Pinoy na tripulante. Gayunpaman, tila wala nang katapusan ang kanilang kalbaryo sa kamay ng mga pirata.

“Palipat-lipat sa silong ng kahoy, sobrang gutom,” ani Elmer Balbero, isa sa limang Pilipinong hawak ng mga pirata. 

“Sa isang araw, may isang beses lang po kami kumakain,” ani naman ng kasamahan niyang si Antonio Libres.

“Para lang po maka-suvive sa gutom na ‘yun, kailangan kainin mo lahat. Sa Somalia kasi, nanghuhuli kami, patago po ng mga daga. Niluluto pa po namin,” dagdag ni Arnel.

Para kay Arnel, bukod sa makitang namamatay ang dalawa sa kaniyang mga kasama, pinaka-mahirap ang kakulangan nila sa tubig.

“Hindi mo alam anong gagawin sa tubig mo na isang litro sa isang araw–pampaligo mo, pang-hugas, pang-inom,” ani Arnel

Kuwento ni Elmer, sinabi ng mga pirata ay isa-isa silang papataying kung hindi sila makapag-bigay ng pera. “Saan naman kami kukuha ng pera na maibigay sa kanila?” aniya.

“Hinawakan ako ng isang pirata, hindi ko namalayan. Tinusok ako ng baril. Sa pangatlong beses akong tinusok, muntik na akong hindi nakahinga,” dagdag niya.

Ang kasamahang si Akes Edwas pinagpapalo rin sa likod ng itak.

Si Antonio, tinutukan ng baril sa ulo saka sinabihang papatayin kasama ang dalawa pang Pilipino. Aniya, noong mga panahong iyon, talaga namang napadasal na lamang siya sa Panginoon.

Ayon kay Arnel, noong Agosto ay pinapirma sila ng isang “Agreement Letter” mula umano sa United Nations, at sinabihan silang pauuwiin na sila sa loob ng limang araw, ngunit hindi ito nangyari.

RANSOM?

Makalipas ang sa apat na taong pagkakabihag sa kanila ng mga pirata, na-sorpresa sila nitong Oktubre 22 nang palayain sila mula sa pinagtataguang kagubatan

“Parang biro lang na sabi ng commander noong umaga, ‘Ngayon din, uuwi kayo.’ Di namin in-expect, bahala na kung makakauwi o hindi, pero pag dating ng hapon, dumating yung sasakyan. ‘Uuwi na talaga kayo’,” pag-alala ni Arnel

Ayon kay Ranco Villavicencio, dating pinuno ng Maritime Piracy Humanitarian Response-Philippines, may nagbayad umano ng US$2-million na ransom para sa 26 na bihag.

Nitong Oktubre 28, nakabalik na sa bansa ang limang Pilipinong pinalaya.

Laking pasasalamat naman ng kanilang pamilya, gaya ng asawa ni Ferdinand Dalit na si Maryjane.

Kuwento naman ni Eloisa Balbero, anak ni Elmer, labis labis ang kaniyang pag-iyak nang mayakap na muli ang ama.

“Nung makita ko po si Akes, tuwang tuwa na kaming pamilya,” ani naman Marcelo Tininggal, tiyuhin ni Akes.

Si Arnel, ang unang ginawa pagkarating sa Pilipinas ay yakapin ang pamilya, lalo pa’t hindi niya alam na pumanaw na pala ang ina.

“Yung nangyari po kasi, yung mama ko, buhay pa noong umalis ako. Hanggang sa makauwi ako, hindi agad sinabi na patay na pala yung mama ko,” aniya.

Para kay Ferdinand, pinaka-masarap na makitang muli ang asawa’t anak sa Pilipinas, “kahit mahirap dito, kahit kumain nang kaunti.”

Ani naman Elmer, malamang ay hindi na siya muling sasampa pa ng barko ngunit gagawin niya ito kung kakailanganin.

“Pero kung talagang wala akong mahanap na trabaho dito, malamang na siguro po uulit ako kasi hirap ang buhay namin, alang-alang lang sa dalawa kong anak. Marami kaming utang, baka di ko pa mapag-aral ang dalawa kong anak,” aniya.

WALANG KINITA

Dahil sa matinding trauma, kasalukuyang sumasailalim ang limang tripulante sa psychological debriefing at counseling.

Ayon sa psychologist na si Yolly Alba, dahil matagal silang bihag ng mga pirata, talagang nagkaroon na sila ng Post-Traumatic Stress Disorder (PTSD)

“Ang unang-unang nawawala sa kanila ay yung sense of control, tapos yung self-worth nila. Hindi na rin nila malaman kung sino sila,” dagdag niya.

Napakatagal na panahon ang kanilang pagkakawalay. Wala silang kinita at hindi sila binayaran ng kanilang ahensya mula sa Singapore ng anim na taon, at hiling ni Elmer na tulungan sila ng gobyernong makuha ito.

“Pinagpaguran po namin [yun]. Wala pa po kaming natatanggap na sahod mula noong 2010 hanggang sa nahuli po kami,” aniya.

Sobra-sobra ang kanilang paghihirap, pero ang importante ngayon, ay ang suporta ng kanilang pamilya at mga kaibigan.

Previous
Next